4 partylists kinatigan ng SC

MANILA, Philippines - Nabuhayan ang apat na partylist group na una nang diniskuwalipika ng Commission on Election dahil sa hindi pagiging kinatawan ng margina­lized sector matapos na harangin ng Korte Suprema ang implementasyon ng resolution ng Commission on Elections (Comelec) na nagdidiskuwalipika sa mga ito na makilahok sa halalan sa susunod na taon.

Sa halip ay inata­san ng Kataas-taasang Hukuman ang Comelec na magpaliwanag sa mga petition ng Ako Bicol (AKB), Association of Philippine Electric Cooperative (APEC), 1st Consumers Alliance for Rural Energy Inc. (1-CARE) at Alliance of Rural Concerns (ARC).

Sa en banc resolution noong November 13, 2012, nagpalabas ng status quo ante order ang SC na pumapabor sa kahilingan ng 4 na party-list group.

Pinalalabas ang status quo ante order o SQA upang mapangalagaan ang interest ng mga party list bago ang paglilitis ng usapin. Na­ngangahulugan itong babalik muna o mananaig ang sitwasyon kung saan hindi pa nailalabas ng Comelec ang resolusyon na nagdidiskwalipika sa kanila

Iginigiit ng AKB, APEC, 1-CARE at ARC na nilabag ng Comelec ang kanilang karapatan sa due process nang sila ay tanggalin bilang party list sector.

“Republic Act 7941 (or the Party-list law) does not authorize respondent Comelec to revisit, at its whim and caprice and reverse at this point in time its 2010 final and executor decision which resolved the issue of petitioner’s representation of ‘the marginalized and the underrepresented rural energy consumers,” ayon sa petitioner.

Wala rin anilang probisyon sa RA 7941 na maaaring gamitin ng Comelec sa pagtukoy  kung nakasusunod, o sa pagsunod sa batas, ang mga rehistrado ng partylist organization.

Show comments