MANILA, Philippines - May nagsabwatan sa pagitan ng Aviatour at ilang inspector ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaugnay sa pagbagsak ng eroplanong sinasakyan ng yumaong DILG Sec. Jesse Robredo sa Masbate.
Ito ang ibinunyag ni Pangulong Aquino matapos madismaya sa lumitaw na resulta ng imbestigasyon ng CAAP na pilot error ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano ni Robredo.
Sinabi ni Pangulong Aquino, ang pagkakaroon ng safety lapses ang tunay na naging dahilan ng pagbagsak ng Piper Senica plane na sinasakyan ni Sec. Robredo mula Cebu pauwi ng Naga noong Agosto 18, 2012.
Nakaligtas sa insidente ang aide ni Robredo na si Sr. Insp. Jun Abrazado matapos makita ito ng isang mangingisda na palutang-lutang sa dagat.
Sinabi mismo ng Pangulo na batay sa mga ebidensya, naiwasan sana ang trahedya kung nasunod lamang ang mga tamang procedure at maintenance ng eroplano ng AviaTours.
Napag-alaman din na walang sapat na kaalaman ang pilotong si Bahinting sa pagpapalipad ng eroplanong may problema ang isang makina.
Sa halip na ibalik sa Cebu International Airport ang problemang eroplano ay ipinilit ni Bahinting na idiretso sa Masbate ang eroplano at inabot ng 70 minutes.
Nagkaroon din umano ng sabwatan at katiwalian sa inspeksyon ng air worthiness ng Piper Seneca plane sa pagitan ng Aviatour at CAAP.
Nilinaw din ng Malacañang na hindi naghahanap na masisisi ang gobyerno kaugnay sa ginawang imbestigasyon.
Kaugnay nito, tiniyak ng Pangulo na may mananagot sa hanay ng AviaTours at CAAP kasabay ang pag-uutos sa DOTC na ipagpatuloy ang reporma sa aviation industry para maiwasan ang pagkaulit ng trahedya.