MANILA, Philippines - Nagsanib puwersa ang Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa anti-drug operation ng mga ito laban sa mga dayuhang pumapasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na may dalang droga.
Nitong Nobyembre 8, 2012 ay nagkaroon ng kasunduan sa pagitan nina Customs Commissioner Ruffy Biazon at PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac Jr. upang malansag ang mga drug syndicate na nakabase sa bansa particular ang mga drug courier na pumapasok sa mga paliparan.
Ang naging hakbangin ng PDEA ay kasunod ng matagumpay na anti-drug operation ng BOC kung saan magkakasunod na nadakip ng mga tauhan ni Biazon ang ilang dayuhan na may bitbit na droga sa kanilang bagahe na ang pinakahuli ay nasabat sa NAIA Terminal 1.
Nakasaad sa kasunduan na makabuo ng roadmap upang mapalakas ang kanilang koordinasyon at kooperasyon sa pamamagitan ng palitan ng impormasyon upang mas matutukan ang mga papasok at papalabas na mga pasahero at mapigilan ang ano mang pagtatangka sa pagpupuslit ng illegal drugs gamit ang mga paliparan sa bansa.
Ang BOC at PDEA ay ilan sa mga ahensiya ng gobyerno na miyembro ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) na nangangalaga ng paliparan.