OFW bibitayin sa Saudi, PH umapela

MANILA, Philippines - Muling umapela ang pamahalaan sa Saudi government na huwag ituloy ang takdang pagbitay sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia.

Isang personal na liham ni Vice President Jejomar Binay,  tumatayo ring Presidential Adviser on OFWs’ Concerns, ang ipadadala para kay Saudi King Adbullah  na humihi­ling na ipagpaliban ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa OFW na si Joselito Zapanta, tubong Mexico, Pampanga, na sinentensyahan ng Saudi Court of First Instance noong Abril 13, 2009 dahil sa umano’y pagpatay at pagnanakaw sa kanyang Sudanese landlord.

Sinabi ni Binay na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang magdadala ng kanyang liham kay King Abdullah sa Saudi.

Nakikiusap si Binay sa Saudi King na mabigyan pa ng sapat na panahon ang pamahalaan at pamil­ya Zapanta na makalikom ng hinihinging blood money upang masagip sa bitay ang nasabing Pinoy.

Nabatid na humingi ang pamilya ng biktima ng 5 milyong Saudi Riyal o tinatayang  P55 milyon na blood money na kailangan maibigay sa Nobyembre 14, 2012. Kapag hindi umano naibigay ang naturang halaga sa ibinigay na deadline ay itutuloy na ang eksekus­yon kay Zapanta.

Show comments