MANILA, Philippines - Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Navy ang 11 mangingisdang Vietnamese na ilang araw ng palutang-lutang sa West Philippine Sea, Bugsuk Island, Balabac, Palawan kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Navy Spokesman Col. Omar Tonsay, bandang alas-2:30 ng hapon ng makatanggap ng distress call ang Coast Watch Center–West hinggil sa papalubog na Vietnamese fishing boat sa bahagi ng nasabing karagatan.
Agad namang nagresponde ang BRP Ismael Lomibao (Patrol Gunship 383) at nasagip ang 11 mangingisdang Vietnamese.
Bandang alas-7:00 ng umaga ng dumating sa pier ng Balabac ang mga elemento ng Philippine Navy kasama ang mga nailigtas na mangingisdang Vietnamese na mula pa sa Quay Ngai, Vietnam.
Ayon sa opisyal, hindi pa nakuha ang pangalan ng mga nailigtas na mga mangingisda dahil hindi marunong mag-English at kailangan pa ng interpreter.
Nabatid na pumalaot upang mangisda ang nasabing mga Vietnamese may 1,500 yards sa West Philippine Sea sa bahagi ng Discovery Great Reef noon pang Nobyembre 6 nang magka-aberya ang sinasakyang motor bangka.