MANILA, Philippines - Inilibing na kahapon ang 30-anyos na babaeng namatay nang bigtiin ng nylon straw ng karelasyong pulis, habang kasama sa loob ng motel ang dalawang musmos na anak noong nakaraang Nobyembre 4 sa Sampaloc, Maynila.
Ayon sa director ng Manila Department of Social Welfare na si Jay dela Fuente, ang Manila City goverment na ang nagpalibing sa biktimang si Aylie Barroca, 30-anyos, ng Tanza, Cavite, sa utos ni Mayor Alfredo Lim.
Una nang humingi ng tulong si Joy Barroca kay Dela Fuente kaya ipinarating kay Lim, hinggil sa kawalan umano ng pantubos sa punerarya sa bangkay ng biktima at kawalan din ng panggastos sa pagpapalibing.
Samantala, sinabi ni Dela Fuente na ang dalawang anak ng biktima ay nasa kanila pang pangangalaga, na nagkakaedad ng 3 at 4.
Matatandaang nadiskubre ng mga staff ng Beehive Travellers Inn, sa panulukan ng V. G. Cruz at R. Magsaysay Boulevard ang nakabigting bangkay ni Barocca dahil sa walang tigil na pag-iiyakan ng dalawang batang lalaki.
Naging susi naman sa pagresolba ng krimen ang sinabi ng isang anak na papa at mama nila ang nag-away sa loob ng Room 20 kaya inalam ang pagkilanlan ng kasamang lalaki ng biktima nang mag-check-in at naaresto ang suspect na si PO3 Ronald Fontejon, nakatalaga sa Police Security Protection Group (PSPG) sa PNP-Camp Crame.
Sinampahan na ng kasong murder ang suspect, na nakapiit sa MPD-Homicide Section.