BFP nagbabala sa paggamit ng Xmas lights

MANILA, Philippines - Upang mas ma­ging ligtas sa sunog sa pagdiriwang ng yuletide season, pinaalalahanan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang publiko na mag-ingat sa binibiling christmas lights at paggamit ng mga electrical devices na pagmumulan ng sunog.

Ayon kay Chief Supt. Santiago Laguna, parte ng tradisyon ng bawat Filipino ang paglalagay ng mga palamuti sa ating tahanan para alalahanin ang pagsilang ni HesuKristo, pero kailangan din anyang alam nila ang mga sub-standard na christmas lights na ibinibenta sa murang halaga na magdudulot ng kapahamakan.

Giit ng opisyal, bago bilhin ang nasabing dekorasyon sikaping tignan ng mabuti ang produkto kung may Import Commodity Clearance (ICC) na nakamarka na patunay na ito ay tumutugon sa standards at ligtas na gamitin.

Dagdag ni Laguna, base sa rekord, isang insidente ng sunog ang nangyari noong 2011 sa Metro Manila dahil sa electrical short circuit dala ng sub-standard na christmas lights na isang indikasyon umano na ang mga tao ay batid na ang disgrasyang idudulot ng paggamit ng sub-standard na gamit.

Inatasan na ni Laguna ang mga district fire marshal at city municipal fire marshal na paigtingin ang kampanya hinggil sa pagtuturo sa mga komunidad hinggil sa fire safety lalo na ang paggamit ng christmas lights.

 

Show comments