MANILA, Philippines - Pinagpapaliwanag ng mga mambabatas ang Department of Health (DOH) kaugnay sa ulat ng World Health Organization (WHO) sa posibilidad na mawala ang bisa ng mga Antibiotics at iba pang gamot para makapagpagaling ng sakit ng tao.
Sa House Resolution 2541 nina Reps. Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro City) at Maximo Rodriguez, Jr. (Party-list, Abante Mindanao), dapat imbitahan ng House Committee on Health ang mga opisyal ng DOH para magbigay linaw sa naturang ulat.
Ayon sa WHO, isa sa dahilan nang pagkawala ng bisa ng gamot ay ang maling paggamit nito kaya nagiging immune o nagagawang labanan ng sakit ang gamot.
Nagbabala pa ang WHO sa posibilidad na bumalik sa panahon ang mundo kung saan walang gamot ang epektibong makakapagpagaling sa impeksyon o sakit.
Nauna nang inihayag ni Margaret Chan, WHO Director-General, na karaniwan sa mga impeksyon o sakit ay nagiging drug-resistant.
Sinabi pa ni Rodriguez na isa pang dahilan ay ang over-prescription ng gamot kung saan base sa pag-aaral ng WHO na 50%-70% ng antibiotics na inirereseta ay hindi tama o kailangan.