MANILA, Philippines - Pinasinungalingan kahapon ni San Juan Rep. Jose Victor Ejercito ang napabalitang hindi maganda ang relasyon niya sa kanyang half-brother na si Sen. Jinggoy Estrada.
Nilinaw ng nakababatang Estrada na respetado nya ang kaniyang kapatid at wala siyang sinasabi kailan man na mayroon silang”sibling rivalry”.
Ayon kay Ejercito, bagaman may mga bagay na hindi nila napagkakasunduan ng kanyang kapatid, lalung lalo na sa isyu sa politika, ay wala siyang nasabi o ginawa para masabi na hindi maganda ang kanilang pakikitungo sa isa’t-isa.
“I have always regarded my brother, Senator Jinggoy Estrada, with respect. I don’t hide the fact that I disagree with him on certain, mostly political, issues. However, I’ve never said or done anything that would lead anybody to conclude our relationship is hostile or antagonistic,” paliwanag ni JV.
Ang pahayag ay bilang tugon ni JV sa mga naglabasang ulat kung saan sinabi umano niya na hindi sila malapit sa isa’t isa ng kanyang kapatid.
“I did say, we’re not close, we’re not friends. But I was just trying to allay fears raised by a reporter that being members of a so-called political dynasty my brother and I will always take the same side of any question, presumably to the detriment of the nation,” paliwanag pa niya.
Nilinaw pa ni JV na ang “sibling rivalry” ay ang terminong ginamit ng mamamahayag na sumulat ng balita.
Ikinalungkot naman ni Sen. Estrada ang isyu ng “sibling rivalry” sa pagitan nila ni JV.
Sinabi ng senador na kailan man ay hindi siya naging bahagi sa umano’y awayan ng magkakapatid na nais palutangin ng ilan.