MANILA, Philippines - Nagbabala ang Konsulado ng Pilipinas sa New York sa libu-libong Pinoy na naapektuhan ng nagdaang hurricane Sandy sa east coast sa Amerika dahil sa panibagong pagtama ng winter storm ngayong araw sa nasabing lugar.
Pinapayuhan ang mga Pinoy na manatili sa kani-kanilang bahay at umiwas na bumiyahe habang tumatama ang winter storm.
Sinabi ni Consul General Mario de Leon Jr. ng PHL ConsulateGeneral sa New York sa mga Pinoy na maghanda at mag-stock ng mga pagkain, inumin at pangunahing kagamitan tulad ng flashlights at warm clothing sakaling mawalan ng kuryente.
Kabilang sa mga lugar na imomonitor ng Konsulado at tatamaan ng winter storm ang New Jersey, New York, Connecticut, Massachusetts, Rhode Island at Maine kung saan marami ring Pinoy ang nakatira.
Nabatid na naghanda ang New York City government ng mga bus na maaaring mag-pickup sa mga mamamayan kabilang na ang mga Pinoy na lilikas at hihingi ng tulong para sa public temporary shelters o sa mga Filipino-Americans centers.