Mas mabigat na parusa sa adik na pulis, militar
MANILA, Philippines - Mas mabigat na parusa at mahabang pagkakakulong ang kakaharapin ng mga alagad ng batas sakaling mapatunayan silang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot o droga.
Nakasaad sa House Bill No.3990 na inihain nina Cavite Rep. Elpidio Barzaga at Iligan Rep. Vicente Belmonte, palalawigin ang taon ng pagkakakulong at tataasan ang multa sa mga alagad ng batas na lulong o gumagamit ng droga.
Inaamyendahan ng panukalang batas ang Section 15 at 36 ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
Paliwanag ng mga may-akda ng panukala, ang mga law enforcers na lumalabag ay hindi dapat makalusot dahil sila ang dapat na nakakaalam at nagpapatupad ng batas.
“The drug user is considered a victim of this plague but if the user has the responsibility to uphold the law, he/she should be criminally liable for violating the law,” saad ng House bill 3990.
Itinatadhana din ng panukalang batas ang anim na buwan hanggang apat na taong pagkakakulong at multa na P10,000 hanggang P50,000 sa sinumang opisyal o miyembro ng militar, kapulisan at iba pang law enforcement agencies na mahuhuling gumagamit ng droga at posible rin pagkakasibak sa puwesto.
Sakali namang mahuli sa ikalawang pagkakataon na gumagamit ng droga, ang parusa ay anim na taon at isang araw hanggang 12 taong kulong at multang P50,000 hanggang P200,000.
Matatandaan noong Hunyo 19, 2004 si PO1 Samuel Quiteves ng Pasig Police Station ay navideohan habang nagsa-shabu suot pa ang kanyang police uniform habang ito ay nasa loob ng Police Community Pre cinct 6.
Huli rin sa akto habang gumagamit ng shabu sina PO1 Antonio Carmona at PO2 Richard Guiyab at positibo naman sa drug test sina PO2 Armando Jimenez at P03 Hermil Lumba.
- Latest