MANILA, Philippines - Aalamin ni United Nations (UN) Special Rapporteur Joy Ngozi Ezeilo ang sitwasyon ng human trafficking sa bansa kasabay ng fact-finding mission ngayong linggo sa gitna na rin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng trafficking ng mga Pinay sa magulong Syria at iba pang Arab countries.
Si Ms. Ezeilo ay mananatili ng limang araw sa PIlipinas o mula November 5-9. Dito ay kanyang susuriin ang sitwasyon ng trafficked persons gayundin ang hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang masugpo ang nabanggit na problema.
Si Ezeilo ay inatasan ng UN Human Rights Council upang isulong ang kampanya laban sa human trafficking at himukin ang mga bansa na gumawa ng hakbang para masawata ang mga responsable at proteksiyunan ang mga biktima.
Ilan sa mga pupuntahang lugar ng UN rights expert ay mga port sa Maynila at Zamboanga na sinasabing ginagamit na jump off points ng mga nabibiktimang Pinoy na karamihan ay mga kababaihan at mga kabataan.
Anuman ang magiging findings at recommendation ng UN Special Rapporteur ay ilalahad sa gaganaping session ng UN Human Rights Council sa Geneva.