MANILA, Philippines - Nagdulot ng panic sa mga pasahero ng Metro Rail Transit ang pag-usok at pagliyab ng isang bagon ng tren nito sanhi upang magtakbuhan ang mga ito at matigil pansamantala ang operasyon ng MRT kahapon ng hapon.
Ayon kay MRT general manager Atty. Al Bitangcol, kararating lamang ng tren sa GMA-Kamuning station bago mag-alas-4:00 ng hapon nang biglang umusok ang isa sa mga bagon nito.
Bigla rin umanong nagkaroon nang pagliyab sa ilalim na bahagi ng tren.
Marami sa mga pasahero ang nataranta dahil sa sunog dahilan para magtakbuhan at magkagulo ang mga ito.
Sinabi ni Bitangcol, short circuit ang tinitingnan nilang dahilan nang insidente.
Kaagad ding rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Wala namang naitalang nasugatan o nasaktan sa insidente at kaagad ding naibalik sa normal ang operasyon ng MRT.
Kaugnay nito, tiniyak ni Bitangcol na kaagad nilang ia-isolate ang nagka-aberyang tren upang maisailalim sa maintenance check-up.