MANILA, Philippines - Naging maayos at ligtas sa pangkalahatan ang mga biyahe ng mga umuwi sa mga lalawigan at lumuwas ng Maynila para gunitain ang Undas.
Ayon kay Department of Transportation and Communications (DOTC) spokesperson Nicasio Conti, bagama’t may pangilan-ngilang naitalang aksidente, ay naihatid naman nang maayos ang mga mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Naging maayos naman po at ligtas ang biyahe ng ating mga kababayan sa iba’t ibang dako ng kapuluan sa ating mga pantalan, paliparan po at mga bus terminal,” ani Conti, na siya ring officer-in-charge ng Maritime Industry Authority (MARINA).
Matatandaang nagsimu-lang magbigay ng serbisyo para sa Undas ang DOTC nitong Oktubre 26 at tiniyak ni Conti na magpapatuloy ito hanggang sa makauwi na ang mga nagbakasyon ngayong long weekend sa Nobyembre 5.