MANILA, Philippiness - Handang magpautang ang Department of Energy (DOE) at Development Bank of the Philippines (DBP) sa mga transport groups upang makapagtayo ang mga ito ng sarili nilang mga “gasoline stations” para magpakarga ang kanilang mga miyembro sa murang halaga.
Sa ilalim ng programang Gasoline Lending Station ng DOE, sinabi ni Energy Undersecretary Jose Layug na handang magpautang ang DBP ng 80 porsyento ng gagastusin sa pagtatayo ng isang gasoline station ngunit hindi dapat hihigit sa P10 milyon. Sisingil lamang ang bangko sa mga transport groups at organisasyon na sasailalim sa programa ng 6% interes kada taon sa loob ng 10 taon.
Ngunit kailangan umano na magprisinta ang mga transport group at ibang grupo ng “economic model” para sa pagtatayo at pagpapatakbo ng gasoline station bago maaprubahan. Kakailanganin rin na sumailalim sa pag sasanay sa operasyon at pamamahala ang mga opisyal at tauhan ng mga kumpanya at transport groups.
Kabilang sa mga naunang nagpahayag ng interes na sumailalim sa naturang programa ang Pasang-Masda ni Roberto Martin. Sinabi nito na magandang hakbang ito upang magkaroon sila ng sariling gasolinahan para sa kanilang mga miyembro at maibababa nila ang presyo nito kumpara sa mga komersyal na gasolinahan.
Nakikipag-ugnayan na umano si Martin sa lahat ng kanyang mga opisyal at miyembro maging sa mga lalawigan upang makakalap ng pondo para sa 20% hindi masasaklaw ng kanilang iuutang sa DBP.