Pekeng pari nagkalat sa Undas

MANILA, Philippines - Kasabay ng paggunita ng All Sanits at All Souls Day, pinag-iingat din ng isang obispo ang publiko laban sa mga pe­keng pari na maaa­ring magsamantala nga­yong Undas upang magkapera.

Ayon kay Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso, maraming nagpapanggap na pari sa ganitong okasyon at nag-aalok ng basbas sa mga puntod para lamang makakuha ng ‘donasyon’ mula sa mga tao.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Obispo ang mga mamamayan na hanapan ng ID o tinatawag na “celebret” ang isang nagpapakilalang pari para matiyak kung tunay ba itong alagad ng simbahan o isang huwad lamang.

Ipinaliwanag ni Medroso na ang celebret ay nagsisilbing ID ng pari na inisyu sa Dioceses o Archdioceses na kaniyang kinabibilangan at pirmado ng kaniyang Obispo o Arsobispo.

Kaugnay nito, binalaan din ng Obispo ang mga nagpapanggap na pari na huwag pagsamantalahan ang pagpupugay ng mga mamamayan sa kanilang mga mahal sa buhay sa paggunita ng Undas.

Tradisyon na ng mga Pinoy na pabasbasan sa isang pari ang mga puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay tuwing Undas.

 

Show comments