MANILA, Philippines - Kabuuang 600 tonelada ng ipinuslit na “angle steel bars” ang nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Department of Trade and Industry (DTI) at Intelligence Group ng Philippine National Police (IG-PNP) sa magkahiwalay na pagsalakay sa Angeles City at Sta. Rosa, Laguna.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Maria Angelica Quiambao ng Angeles City Regional Trial Court, sinalakay ng DTI Bureau of Product Standards, DTI Region 3, PNP Intel Group at Special Weapons and Tactics unit (SWAT) nitong nakaraang Huwebes ang PCA Steel Trading sa may A&J Rosegold Compound, Brgy. Cutcut, Angeles City.
Sinabi ni Ramon Tan, spokesman ng Steel Angles, Shapes and Sections Manufacturers Association of the Philippines Incorporated (SASSMAPI), ang mga nakumpiskang 600 metriko tonelada ng pekeng mga angle bars ay wala umanong kaukulang sertipikasyon na aabot sa P20 milyon ang halaga.
Tatlong Chinese nationals ang inimbitan ng PNP sa naturang operasyon. Kinilala ang mga ito na sina Wen Shi Nong, Wu Ji Bal at Jao Zhi Hong.
Kasabay nito, sinalakay din ng isa pang grupo buhat sa DTI at PNP katuwang ang SASSMAPI ang Laguna Hill Marketing Construction Supply sa may Unit 36 at 37 sa Solid Gold Bldg., National Highway, Brgy. Tagapo, Sta. Rosa, Laguna.