MANILA, Philippines - Hindi umano dapat na katakutan ng publiko ang stem cell therapy.
Ito ang nilinaw nina Dr. Jim de Castro at Dr. Frankling Domingo, na nagpakadalubhasa sa stem cell therapy sa Harvard University sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan.
Ayon kay Dr. Domingo, walang panganib sa stem cell therapy na ngayon ay ginagamit na pangunahing medisina sa Estados Unidos.
Anila, galing mismo sa pasyente ang stem cell therapy na kinukuha nila mula sa bone marrow, dugo at fats na kanilang ini-inject sa masakit na bahagi ng katawan ng pasyente gaya ng tuhod at iba pa na dulot ng arthritis.
Sinabi ni Dr. de Castro na marami na ang sumusubok sa nasabing therapy dahil sa paniniwalang mas madali ang gamutan nito at mas matipid.
Ngunit pinapayuhan ni de Castro ang publiko na mas mabuting panatilihing maging malusog ang pangangatawan,walang bisyo upang maging maganda ang kalalabasan ng isasagawang stem cell therapy kapag malinis ang dugong makukuha na siya ring ituturok sa katawan ng isang pasyente.
Una nang nanawagan si Health Secretary Enri que Ona sa publiko na ipagpaliban muna ang mga ine-schedule nilang pagpapasailalim ng stem cell therapy, lalo’t hindi alam kung anong proseso ang ginagawa sa naturang therapy, lalo na umano yung ginagamitan ng stem cells na mula sa hayop.