RPN 9 employees nagpapasaklolo sa DOLE

MANILA, Philippines - Nagpapasaklolo sa De­partment of Labor and Employment (DOLE) ang daan-daang empleyado ng RPN 9 na masisibak upang mapigilan ang pag­tanggal sa kanila sa trabaho sa Nobyembre 15, 2012 bunsod ng pagsasapribado matapos na kunin ni Wilson Tieng ng RPN 9 ang 34 na porsiyentong sapi sa government-sequestered network.

Sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan, hiniling ni Raymon Tomale Jr., presidente ng RPN 9 Supervisors Union at secretary general ng National Alliance of Broadcasters Union o NABU, na magpalabas ng status quo order ang DOLE National Conciliation and Mediation Board (NCMB) upang maharang ang re­trenchment sa 200 ka­wani ng RPN 9.

Aniya, hindi dapat payagan ng DOLE ang management na ipatupad ang retrenchment hanggang walang nabubuong agreement.

“Dapat staus quo muna lahat wala munang tatanggalin hanggang wa­lang agreement, tutal may mga willing namang umalis,” sabi ni Tomale kasabay ang pahayag na ang CBA ng RPN 9 ay ginawa na ring model ng ibang station.

Iginiit ni Tomale na hindi patas ang nasabing kautusan lalo pa at may umiiral na Collective Bargaining Agreement o CBA sa pagitan ng network at ng mga manggagawa.

Alinsunod aniya sa nabanggit na CBA, sinuman ang mag-take over sa RPN 9 ay dapat manatili ang kasunduan sa pagitan ng mga kawani at ng sinumang management.

Illegal din aniya ang hakbang dahil hindi retrenchment ang magaganap kundi lockout lalo pa at nagtakda ng hanggang akinse lamang ng Nobyembre ngayong taon para sila ay tanggalan ng hanapbuhay.

“Ang nakakalungkot magpa-Pasko pa naman pagkatapos ay tatanggalan sila ng trabaho,” sabi ni Tomale.

 

Show comments