MANILA, Philippines - Dapat umanong tiyakin ng Department of Health (DoH) na ang salaping makukuha sa buwis mula sa sigarilyo at alak ay ‘di gagamiting pang-tustos sa Reproductive Health (RH) bill na kasalukuyang pinagtatalunan ngayon sa Kongreso.
Ayon sa grupo ng mga mag-aaral mula sa University of the Philippines sa pamumuno ni Jake Silo, lider kabataan, tiyak na mangangailangan ng malaking halaga ang DoH para sa mga RH bill programs tulad ng pamimigay ng libreng condoms at pills sa pagpaplano ng pamilya.
Sa laki umano ng pondong inaasahan ng DoH mula sa sin tax, nababahala ang mga mag-aaral at maging ang mga magsasaka na gagamitin sa paraang labag sa batas na moral at batas ng Simbahan ang naturang salapi.
Tiyak din anyang tututol ang Simbahang Katolika kaya’t dapat maging transparent o malinaw ang health issues na paggagamitan ng buwis mula sa alak at sigarilyo.
Una rito, kinuwestyon ni Budget Secretary Butch Abad ang kakayahan ng DoH at PhilHealth na pangalagaan at gastusin ng wasto ang bilyong pisong pondo mula sa isinusulong na ‘sin tax’.
Sa isang forum kamakailan, tinanong ni Abad kung saan at paano gagastusin ng dalawang ahensya ang inaasahang P30 bilyong makokolekta mula sa sin tax gayong mahina umano ang absorptive capacity o kakayahang maghawak ng pondo ng DOH. Dahil dito, iminungkahi niya na dapat ay makialam ang Kongreso dito.
Sa panukalang sin tax, 85 porsyento ng kikitain mula sa bagong buwis ang ilalaan sa DOH at PhilHealth at 15 porsyento lamang ang mauuwi sa kapakanan ng mga magsasaka ng tabako.
Halos sabay na tinatalakay at parehong priority bills ang RH at sin tax bills kung kaya’t maraming anti-RH advocates ang nababahala na magkaugnay ang dalawa.
Ang RH bill na nagsusulong sa pagpaplano ng family planning ay tahasang sinasalungat ng Simbahang Katolika, samantalang tinututulan naman ng mga magsasaka mula sa Ilocos ang labis-labis na pagtataas ng buwis sa tabako.