MANILA, Philippines - Pormal nang binuksan sa publiko ang ‘Sendong Memorial’ na itinayo bilang pagkilala sa mga namatay at nawawala pa hanggang sa kasalukuyan na dulot ng bagyong Sendong, na nagwasak at sumira rin sa Cagayan De Oro noong Disyembre 17, 2011.
Pinangunahan nina Senador Manuel “Manny” Villar, Jr. at Mrs. Cynthia Villar, chairman at Managing Director ng Villar Foundation, ang inagurasyon ng naturang memorial na itinayo sa loob mismo ng Golden Haven Memorial Park sa Bulua, Cagayan De Oro City na tinatayang may sukat na 716 square meters. Ito ay gawa sa travertine at itim na granite base na mayroon pang circular marker sa gitna at may kasamang water fountain. Nakasulat sa 13 pillars ang mga pangalan ng mga nakumpirma at kinilalang nasawi dahil sa bagyong Sendong.
Ang bagyong Sendong ang isa sa pinakamalakas na kalamidad na tumama sa Mindanao, at sa loob ng nakalipas na 12 taon ay ito rin ang isa sa mga pinakamatinding bagyo na dumaan sa Pilipinas na kumitil ng 1,200 at isang daan pang mga nawawala hanggang sa kasalukuyan. Umaabot sa 150,000 katao ang naapektuhan ng naturang bagyo at sumira sa 1.3 bilyong pisong ari-arian at mga pananim.
Ayon kay Gng. Villar, ang typhoon Sendong na sinasabing dala ng climate change at walang humpay na pagsira sa ating mga kagubatan at kabundukan, ay nagpapakita at nagpapalala sa lahat ng mga mamamayang Pilipino na panahon na para pangalagaan at ingatan ang ating Inang Kalikasan.
Pinapurihan naman ni Gng. Villar ang local government ng Cagayan de Oro dahil sa programa at pagpupursige na palalimin at linisin ang CDO River. Ang pag-apaw nito ay isa sa mga sinasabing naging sanhi ng pagbaha sa lugar.