MANILA, Philippines - Nasa 15 partylist groups ang nilalalaman ng panibagong listahan na hindi maaring lumahok sa 2013 midterm elections.
Kabilang sa 15 grupo ang tatlong bagong aplikante habang ang 12 naman ay dati nang napagkalooban ng accreditation.
Kasama sa 12 registered party list ay may kasalukuyang kinatawan sa Kongreso partikular ang grupong Kakusa o Kapatiran ng mga Nakulong na Walang Sala na kinakatawan ni Ranulfo Canonigo.
Ang 11 pa ay ang Agri; Akma-PTM; Ako Agila; Ako Bahay; Bantay; Pacyaw; PM Masda; Cofa; Araro; Katutubo at Opo.
Ang tatlong bagong aplikante na pinal namang ibinasura ang hiling na accreditation ay ang RAM Guardians; Alyansa para sa Demokrasya at Association of Airline and Airport Workers.
Samantala, bukas ang mga tanggapan ng Comelec sa Biyernes, Oktubre 26, sa kabila ng pagdedeklara ng Malakanyang na regular holiday ito bilang paggunita sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga kapatid na Muslim.
Ito’y para mas mabigyang pagkakataon ang mga magpaparehistro dahil may 7 araw na lamang ang nalalabi sa publiko para sa pagpapatala bilang botante.
Nauna nang sinabi ng Comelec na hindi na nila palalawigin pa ang voters’ registration dahil napakahaba na ng panahon na kanilang ibinigay para rito.