MANILA, Philippines - Nakatakdang dumating ngayon ang imahe ni Saint Pedro Calungsod lulan ng eroplanong Cathay Pacific flight CX 919 na lalapag sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ng alas-4:30 ng hapon galing Vatican via Hong Kong.
Ang three-foot wooden image ni Blessed Pedro Calungsod ay isa sa mga pasahero ng eroplano dahil inokupa nito ang isang upuan sa nabanggit na flight.
Sina Fr. Charles Jayme at Cebu Archbishop Jose Palma na official custodian ng imahe ni Saint Calungsod ang magkakatabi sa eroplano.
Pagbaba nila sa eroplano ay ipaparada ang bagong Santo sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at dadalhin din sa mga probinsiya bago ito ilipad pauwi sa Cebu.
Nagbunyi ang mga Filipino sa buong mundo ng ideklara ni Pope Benedict XVI ang pagiging Santo ni San Pedro Calungsod.
Si St. Calungsod, tubong Cebu at ipinanganak noong 1654 ay isang misyonaryo pero nagkaroon ng “religious persecution” at pinatay noong April 2, 1672.