Agaw-beybi dumarami

MANILA, Philippines - Makikialam na ang Kamara sa dumaraming bilang ng kaso ng baby snatching sa mga ospital sa buong bansa.

Sa inihaing House Resolution 2795 ni Gabriela Partylist Rep. Emmi de Jesus, nais nitong imbestigahan ng Kamara in aid of legislation ang sunud-sunod na pangingidnap ng mga sanggol.

Inihalimbawa ng mam­babatas ang pagdukot sa 3-day-old baby ni Cecilia delos Santos sa Sta. Theresita General Hospital sa Quezon City na umano’y kinuha ng isang doktor.

Bukod pa rito ang pagdukot din sa anak ni Jennifer Francisco na isang tatlong linggong sanggol ng isang nagpakilalang babaeng social worker at nangakong tutulong sa pangangailangang pinansyal ng kanyang baby.

Gayundin ang nangyari sa bagong silang na sanggol ni Mary Grace Cawili na dinukot sa loob ng Ospital ng Maynila noong Abril 2011 matapos na magpanggap ang isang nurse at ang kaso din ni Imelda Polsotin noong March 2011 na dinukot din ang kanyang bagong silang na sanggol sa ospital sa Ligao, Albay.

Ang nakakatakot umano sa mga nasabing insidente ng pagdukot sa mga sanggol ay nangyayari ito sa loob ng mga ospital kung saan mayroon sinusunod na mahigpit sa seguridad at safety standards na itinatakda ng batas.

“Hospital security and safety measure are extension of health care such that their compliance should not be taken lightly,” sabi pa ni de Jesus.

 

Show comments