Imbestigasyon ng Senado tahimik sa UK contractor ‘Tiwaling’ foreign contractors tinukoy ng DPWH
MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio Singson kay Pangulong Benigno Aquino III ang pangalan ng mga dayuhang kontratista ‘nakakopo’ ng bilyong halaga ng mga proyekto sa programang tulay (national bridge project) ng pamahalaan na una nang kinuwestyon ng isang mambabatas at ng Commission on Audit.
Tinukoy ni Sec. Singson sa memorandum nito kay Pangulo nitong Oct. 4 na ang mga kontratista ay ang Cleveland Bridges UK, Ltd. (CBUK), Waagner-Biro Stahlbau AG (Austria) at, Centunion SA (Spain).
“We will need some time to verify and secure some verified data/certifications which could be raised in the Senate investigation to make sure that these proposed new projects are not anomalous and these serve the best interest of the country,” banggit ni Singson sa punong ehekutibo.
Magugunita sa privilege speech ni Ang Kasangga Rep. Teodorico Haresco, ang pangalan ni Sen. Serge Osmeña sa operasyon ng CBUK, na dati nang kilala sa mga pangalang “Balfour Beatty” at “Balfour Cleveland.”
Sa ulat naman ng COA, umabot sa P10 bilyon ang “abono” ng pamahalaan sa kontratang naibigay sa CBUK/Balfour para sa pagtatayo ng may 256 na mga tulay sa pagitan ng 2002 at 2007 kaya dapat daw ay inilagay na ito sa ‘blacklist’ ng DPWH dahil sa bad performance.
Wika pa ni Haresco, tanging 248 na tulay ang aktwal na naitayo sa pagtatapos ng Marso 2011, na dapat umanong natapos noon pang Marso 2007.
Mula sa orihinal na halagang Php 2.48 bilyon, “lumobo” umano ang bayarin sa CBUK/Balfour dahil sa “cost overrun” sa mga proyekto nito na umabot sa 96 porsiyento sa “foreign-funded component” at 132 porsiyento sa bahagi ng gastos na sinagot ng gobyerno ng Pilipinas.
Kapuna-puna naman na hindi kasama ang CBUK/Balfour sa isinusulong na imbestigasyon ni Osmeña sa Senado sa programang tulay ng gobyerno na sumasakop sa termino nina Pang. Fidel Ramos, Pang. Joseph Estrada at Pang. Gloria Macapagal Arroyo.
Sa panig naman ng Centunion na nabigyan ng kontrata para sa 93 tulay, inaasahang matapos ang mga ito noong nakaraang buwan.
- Latest