Isdang tamban, bawal hulihin sa loob ng 3 buwan

MANILA, Philippines - Tatlong buwang ipinagbabawal ng Bureau  of Fisheries and Aquatic Resources  (BFAR) ang pangingisda sa isdang tamban sa mga karagatan ng Regions 5, 6, 7 at 8 mula Nobyembre 15, 2012 hanggang Pebrero 15, 2013.

Ito ayon kay Melanie Guerra, information chief ng BFAR, ay upang mapadami ng husto ang bilang ng mga isdang tamban sa naturang mga lugar na unti-unti nang nauubos.

Bukod sa isdang tamban ay ipinatutupad din ng ahensiya ang fishing ban sa mga isdang mackerel at tusoy na pawang pangunahing ginagawang sardinas.

Binigyang diin ni Guerra na bagamat sa mga panahong ban ang paghuli sa naturang mga lamang dagat ay may konting epekto ito sa hanapbuhay ng mga mangingisda doon, dapat ding isaisip ng mga ito na ang ginagawa ng ahensiya ay pang matagalang solusyon para mapadami ang bilang ng mga isdang ito.

Sinabi ni Guerra na may iba namang uri ng isda ang hindi kasama sa fishing ban kayat may maaani pa rin silang ibang lamang-dagat.

 

Show comments