MANILA, Philippines - Kasabay ng halalan sa susunod na taon, dapat na ring atasan ng Korte Suprema ang Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal na ang political dynasties sa lahat ng elective posts sa national at local elections batay sa nakasaad sa saligang batas.
Ayon sa 24 pahinang petition for mandamus, iginiit ni Louis “Barok” Biraogo sa Korte Suprema na atasan ang Comelec na ipatupad ang nakasaad sa Sec. 26, Article 2 ng 1987 Constitution na nagbabawal sa political dynasties.
Nakasaad pa sa petisyon na ang mga nakalagay sa listahan ng mga kandidato para sa national and local posts sa darating na May 2013 midterm elections ay isang patunay ng paglabag sa nasabing probisyon sa saligang batas.
Inihalimbawa nito ang paghahain ng kandidatura ng pinsan mismo ni Pangulong Aquino na si Bam Aquino na tatakbo sa Senado sa ilalim ng Liberal Party (LP) at tiyahing si Margarita Cojuangco na tatakbo rin sa Senado sa ilalim naman ng United Nationalist Alliance.
Maging si Vice-President Jejomar Binay, aniya, na ang anak na si Jojo ay reelectionist sa mayoralty case sa Makati City, misis na si Elenita na tumakbo sa pagka-alkalde sa Makati noon, habang ang anak na si Abigail, ay sa Kongreso naman sasabak at anak na si Nancy na sasabak sa senatorial race.
Aniya, ang labanan ng Estrada, Magsaysay, Angara, Revilla clans, at iba pang pamilya na karamihan ay nasa pulitika rin.
Panahon na umano para umaksyon na ngayon ang Comelec laban sa political dynasty kahit na wala pang malinaw na depinisyon mula sa kongreso para sa terminong “political dynasties”.