Ex-sekyu ng POGO, tiklo sa pagbebenta ng scamming device
MANILA, Philippines — Isang dating security guard ng Philippine offshore gaming operator (POGO) firm ang inaresto dahil sa pagbebenta ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI), ayon sa Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Sa isang pulong balitaan kahapon sa Camp Crame, sinabi ni ACG chief Brig. Gen. Bernard Yang na naaresto ang 40-anyos na suspect na si alias Dante sa isang entrapment noong Huwebes matapos nitong i-advertise sa social media ang pagbebenta ng nasabing device sa halagang P600,000.
“Sa pag cyber patrol nila they were able to chance upon yung nagbebenta nito. Ito ay nakita sa isang social media platform na kung saan yung grupo ay galing doon sa mga former POGO employees o operators,” wika ni Yang.
Kilala rin ang nasabing device na “stingray,” rogue cell tower, fake cell tower, cell site simulator, and drop box na kapag naikonek na ay kaya nitong makakakuha ng IMSI numbers ng devices para ma-intercept ang text messages, calls, at data traffic.
Ang IMSI catcher ay maaaring gamitin sa malawakang e SMS broadcasting na hindi na kailangan ng database, SIM card, o WiFi.
Nabatid pa na nabili ng suspek ang IMSI catcher mula sa dating employer matapos na ipasara ang kumpanya kasunod nang pagbabawal ng gobyerno sa POGO na epektibo noong katapusan ng December 2024.
Ang device rin ay maaaring gamitin sa scamming, election campaigning, o pagkakalat ng disinformation.
Kinasuhan ang suspek sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act, Philippine Radio Station and Radio Communication Act, the Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act and the Data Privacy Act.
- Latest