Limang estudyante pinaulanan ng bala, 1 sugatan
MANILA, Philippines — Limang estudyante ang pinuntirya ng pamamaril na ikinasugat ng isa sa mga ito habang nasakote naman sa followup operation ng pulisya ang isa sa tatlong suspect sa Valenzuela City, ayon sa opisyal nitong Sabado.
Kinilala ni P/Col. Nixon Cayaban ang suspect na si alyas “Piko”, 30, residente ng Barangay Parada, Valenzuela City. Kinilala naman ang biktima na si alyas “A”, residente rin ng nasabing lungsod.
Ang apat pang kasamahang estudyante ng nasugatang biktima ay kinilala namang sina alyas “B”, 17 anyos (napag-alamang tunay na target ng suspect); alyas “C”, 19; alyas “D”, 16, at alyas E, 13, pawang mga residente ng Valenzuela City.
Sa imbestigasyon ni P/Staff Sgt Renz Legazpi, imbestigador sa kaso, bandang 10:56 kamakalawa ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa San Simon Angeles Extension, Barangay Gen. T. De Leon habang nagkukuwentuhan ang limang magkakaibigang estudyante sa isang bakanteng lote nang dumating ang suspect kasama ang dalawang iba pa.
Agad na bumunot ng baril si Piko at isa pang suspec at itinutok kay alyas “B”. Dalawang beses umanong nagpaputok ng baril si Piko subali’t hindi ito tumama sa target. Sa takot ay nagtakbuhan ang magkakaibigan subali’t tinamaan ang biktimang si alyas “A” sa kaliwang bahagi ng kaniyang puwitan.
Samantalang mabilis namang nagsitakas ang tatlong suspect patungo sa direksiyon ng Brgy. Parada habang isinugod naman ang biktima sa Valenzuela Medical Center para malapatan ng lunas.
Napag-alaman na nagkaroon ng alitan ang suspect at ang target na biktimang si alyas “B” noong Disyembre 2024. Kasalukuyang pinaghahanap ang dalawa pang kasama ng suspect habang nahaharap sa kasong frustrated murder at attempted murder si Piko.
- Latest