Illegal sabong sa Bambang, Nueva Vizcaya, talamak!
MARAMING magsasaka sa Bgy. Almaguer North, Bambang, Nueva Vizcaya ang nalululong sa illegal sabong na ino-operate nina Diego at Ambo.
Malakas siguro kay Mayor Benjamin “Jamie” Cuaresma sina Diego at Ambo. Nag-aabot siguro ng payola ang dalawa upang magbulag-bulagan at magbingi-bingihan sa sabong na ginaganap tuwing Miyerkules at Linggo.
Isa ring biningi ng kalansing ng payola si Barangay Chairman Frederick Tipay na walang kaimik-imik sa operasyon nina Diego at Ambo. Isang taon nang nag-o-operate ang sabungan nina Diego at Ambo.
Kulang naman sa kakayahan ang pulisya ng Bambang sa pamumuno ni Capt. Frederick Ferrer para ma-detect ang illegal na pasabong nina Diego at Ambo. Mahirap bang ma-detect ang operasyon nina Diego at Ambo? Kitang-kita naman ang lugar na may tatlong pabilog na ruweda na pinaglalabanan ng mga manok na Jolo.
Hindi kagaya ng kinagisnang sabong na may tari ang mga manok na naglalaban, dito ang panalo ay ang manok na unang mapagod o tatakbo sa matagalang laban na inaabot ng ilang oras.
Dahil nagtatagal ang bawat laban, nagtatagal din siyempre ang hiyawan. Hindi ba naririnig ng mga opisyal ng barangay ang hiyawan sa sabungan.
Maraming maybahay ng sabungeros ang umiiyak dahil nauubos lamang sa kapupusta ang maliit na kita ng kanilang mga mister na pawang mga magbubukid.
Hindi pag-aaliw lamang ang pakay ng mga mananaya sa sabungan dahil maraming dumarayo rito na nagmula pa sa Benguet at mga karatig na probinsiya. Nagbabakasakali silang madoble o matriple ang mapapanalunan sa sabong.
Pero kabaliktaran ang nangyayari dahil mas malaki ang natatalo sa kanila at walang maiuwi sa pamilya.
Ang pagkalulong sa sabong ang ugat sa pag-aaway ng mag-asawa hanggang sa tuluyang magkahiwalay at nasira na ang pamilya.
Makonsensiya naman sana ang mga pinuno sa Bambang sa idinudulot na illegal sabong operation nina Diego at Ambo. Huwag sana silang tuluyang malunod ng payola na ipinagkakaloob ng dalawang ito!
Isipin sana ng mga namumuno ang kasamaang dulot ng illegal sabong na nawawasak ang pamilya.
••••
Para sa komento, i-send sa: art.dumlao@gmail.com
- Latest