PNoy: Walang sasayanging oras patungo sa tuwid na daan

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang mga “boss” na walang masasayang na panahon ngayong 2014.

Sinabi ni Aquino para sa kanyang mensahe ngayong taon na marami nang nagawa ang kanyang administrasyon ngunit marami pa rin ang kailangan niyang gawin upang magpatuloy ang daang matuwid.

Dagdag ng Pangulo na napatupad ang kanilang mga proyekto at marami ang nakamit sa kabila ng sunod-sunod na kaguluhan, kabilang ang bagyong “Yolanda,” Zamboanga crisis, at magnitude 7.2 na lindol.

"Papasok na naman po tayo sa panibagong taon sa pagtahak sa tuwid na daan. At kumbaga po sa larong basketball, papasok na rin tayo sa last two minutes: Sa natitirang yugto ng ating termino, wala tayong sasayanging sandali," pahayag ni Aquino.

Ipinamalaki ni Aquino ang pagtaas ng Pilipinas sa Transparency International Corruption Index kung saan sumasalamin ito aniya sa pagsugpo nila sa korapsyon.

"Patuloy po tayong naglalatag ng mga mekanismo upang siguruhing ang pera ng taumbayan ay mapupunta sa taumbayan lamang," banggit ni Aquino.

Ikinagalak din ng Pangulo ang pagganda ng ekonomiya, patunay dito ang pagkakaroon ng pinakamataas na gross domestic product sa Timog-silangang Asya, at ang paggawad ng investment grade status ng tatlong rating agency sa Pilipinas.

Aniya bumubuti na rin ang relasyon ng gobyerno at mga Muslim matapos umusad ang usapang pangkapayapaan upang mabuo ang Bangsamoro region.

"Malinaw po: Dahil sa mas maayos na pamamalakad, natitibag na ang mga huling balwarte ng katiwalian, at patuloy tayong nakakapaglatag ng pagkakataon para sa ating mga kababayan," banggit ni Aquiino.

Alam ng Pangulo na may mga nais pa ring manira sa kanyang pamamalakad na magtatapos sa 2016.

"At gaya rin po sa basketball, hanggang sa huling yugto ay may hinaharap tayong mga barikada. Batid nating hindi basta-basta titiklop ang mga latak ng lumang sistema; habang lumalapit tayo sa ating tagumpay, lalo rin naman silang magiging desperado at magtatangkang idiskaril ang ating agenda," banggit ni Aquino.

Nanawagan si Aquino sa publiko na maging matatag sa tuwing may daraang problema.

"Alam din po nating mayroon pang mga kalamidad na susubok sa ating katatagan bilang bayan. Pero, lagi nating handang patunayan: manggulo man ang masasamang loob, yanigin man tayo ng lindol o hagupitin ng bagyo, mangingibabaw pa rin ang lakas ng ating bayanihan."

 

Show comments