MANILA, Philippines – Utas sa pananambang ang alkalde sa Zamboanga del Sur at tatlo pa niyang kasama ngayong Biyernes sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Nakilala ang biktima na si Labangan, Zamboanga del Sur Mayor Ukol Talumpa at asawang si Lea Taalumoa nang maganap ang insidente bandang alas-11 ng umaga.
Nasawi rin sa pag-atake ng armadong kalalakihan ang kamag-anak ni Talumpa na nakilalang si Shariff Udin Talumpa at isang 18-buwang gulang na bata na si Phil Tomas.
Sinabi ni Manila International Airport Authority general manager Angel Honrado na nangyari ang pamamaril sa pagitan ng loading bays 1, 2, at 3.
Mula Zamboanga si Talumpa na lulan ng Cebu Pacific flight 5J 852 na lumapaa pasado alas-9 ng umaga.
Sinabi ni Honrado na walang closed circuit television (CCTV) camera sa labas ng airport, kaya naman hinigpitan na nila ang seguridad sa lugar.
Ayon sa mga saksi, nakasuot ng uniporme ng pulis ang mga suspek na tinutukoy ang pagkakakilanlan hanggang ngayon.
Noong 2010 ay nakaligtas si Talumpa sa pananambang sa Ermita, Maynila kung saan bise-alkalde pa lamang siya.
Bukod sa mga nasawi, lima pang katao ang sugatan sa insidente na dinala na sa East Avenue Medical Center mula PAF Gen. Hospital .