MANILA, Philippines – Muli na namang bumanat si Pangulong Benigno Aquino III sa umano’y pangungurakot ng dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Second District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ni Aquino sa kanyang talumpati sa United Nations Convention Against Corruption na puro problema ang kanyang sinalubong sa pag-upo bilang Pangulo ng Pilipinas noong 2010.
Dagdag niya na ang daming nasayang na pagkakataon upang umangat ang bansa noong panahon ni Arroyo.
"I myself have pointed out that the 10 years before I stepped into office had been called a lost decade—one in which our country could have developed strong foundations to build upon. Instead, after my predecessor stepped down, our administration found a system of governance long decayed by corruption," pahayag ni Aquino.
Binatikos ni Aquino si Arroyo matapos hilingin ng Malacañang ang kapayapaan para sa kinatawan ng Pampanga kahapon.
Mula nang umupo si Aquino sa puwesto ay tuloy-tuloy ang paninisi kay Arroyo.
Nitong Oktubre ay sinabi ni Aquino na aabot sa higit P1 trilyon ang pondo ng gobyerno na hindi ginamit ng wasto noong administrasyong Arroyo.
Ibinida ni Aquino ang kanyang kampanya kontra sa mga tiwaling opisyal partikular ang pambubulsa ng pera ng taongbayan.
"It should not matter what position you hold in the bureaucratic ladder: If you do wrong by the people, then you should be held accountable," sabi ni Aquino.
Binalaan din ng Pangulo na hindi lamang mga nasa gobyerno ang kanyang tutugisin, maging ang mga nasa pribadong sektor na hindi nagbabayad ng tamang buwis, at ang mga hindi sumusunod sa batas.
"If you do not pay your taxes, the state will pursue you. It means that no matter how many resources you have at your disposal, if you choose to smuggle goods, you cannot escape the government," dagdag ni Aquino.
Aniya, 423 kaso laban sa mga tax evaders at smugglers ang kanilang nasampa sa kanyang tatlong taong pamumuno.
Binanggit din ni Aquino ang kanyang mga programa kontra kahirapan tulad ng Budget ng Bayan at Pera ng Bayan ng Department of Finance.