MANILA, Philippines – Ikinatuwa ng Palasyo ngayong Huwebes ang desisyon ng Sandiganbayan na payagang makapiling ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga representative Gloria Macapagal Arroyo ang kanyang pamilya sa Pasko at Bagong Taon.
“Ikinagagalak namin na pinahintulutan ng Sandiganbayan ang dating Pangulong Arroyo na ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon na makapiling ang kanyang pamilya," sabi ni Presidential Communications Operations Office Sec. Coloma.
“Lahat naman tayo ay umaasa na ang katahimikan at kapayapaan at kabutihan iiral sa panahon ng Kapaskuhan," sagot ng tagapagsalita nang tanungin kung ano ang Christmas wish kay Arroyo.
Pinagbigyan ng korte si Arroyo na makasama ang kanyang pamilya sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.
Kaugnay na balita: GMA makakasama ang pamilya sa Pasko at Bagong Taon
Hanggang 9:30 ng gabi lamang ang oras ng bisita kay Arroyo ngunit hinayaan ng korte na palawigin ito.
Nauna nang naghain ng mosyon ang mga mambabatas sa Kamara upang makauwi si Arroyo sa kanyang bahay sa Pampanga ngayong Pasko at Bagong Taon.
Nakakulong si Arroyo sa Veteran's Memorial Medical Center sa Quezon City para sa kasong electoral sabotage na dinirinig sa Pasay City Regional Trial Court.