MANILA, Philippines – Apat na buwang suspensyon ang ipinataw ng Department of Labor and Employment kay acting Jordan Labor attache Mario Antonio matapos madawit ang pangalan sa kontrobersyal na sex-for-flight scheme.
Sinabi ni DOLE secretary Rosalinda Baldoz na maaaring umapela at maghain ng motion for reconsideration si Antonio.
Nag-ugat ang suspensyon matapos masangkot si Antonio sa pambabastos sa mga namomroblemang overseas Filipino workers sa gitnang silangan.
Kaugnay na balita: Imbestigasyon sa 'sex-for-flight' tapos na
Lumabas sa imbestigasyon na nagsambit ng malalaswang salita si Antonio habang nakikipag-usap sa ilang kababaihang OFW at napatunayan ding nanonood siya ng malaswang video sa kanyang opisina.
Sinabi ni Baldoz na iiral ang apat na buwang suspensyon 15 araw matapos pormal na matanggap ni Antonio ang kautusan.
Pumutok ang balitang sex-for-flight scheme matapos maghigpit ang Saudi Arabia sa mga foreigner na walang kaukulang papeles.
Kapalit umano ng agarang pagpapauwi sa Pilipinas ang pagtatalik o pagbebenta ng laman sa ilang Arabo.