Nahulog na bus sa Skyway, ilang beses nang nasangkot sa aksidente

MANILA, Philippines – Kaagad sinuspinde ang prangkisa ng lahat ng bus ng Don Mariano Transit matapos mahulog sa skyway ang isa sa mga ito, ayon sa isang opisyal ngayong Lunes.

Sinabi ni Land Transportation and Franchising Regulatory Board chairman Winston Ginez na hindi ito ang unang beses na nasangkot sa insidente ang naturang kompanya kaya naman kaagad nilang sinuspinde ang 78 bus habang gumugulong ang imbestigasyon.

"LTFRB policy is immediately to suspend the franchise of the bus company but because of the Don Mariano's past accidents. The LTFRB and Don Mariano management agreed to cancel all operations," pahayag ni Ginez sa isang panayam sa radyo.

Kaugnay na  balita: 22 patay sa pagkahulog ng bus sa Skyway

Dagdag ng pinuno na kahit hindi pa sila nag lalabas ng kautusan ay pinabalik na rin ng may-ari ng Don Mariano Transit ang lahat ng kanilang bus.

"Even without the suspension order, ni-recall na ng may-ari lahat ng sasakyan nila na bumabiyahe," aniya.

Umabot sa 22 katao ang patay matapos mahulog mula sa Skyway ang bus biyaheng Pacita Complex, San Pedro City, Laguna.

Bukod sa wasak na bus, nabagsakan nito ang isang closed van nang mangyari ang insidente bandang alas-5 ng umaga.

Noong 2012 ay bumangga rin sa bakal na harang ng EDSA-Ortigas flyover sa Mandaluyong City ang isang bus ng Don Mariano Transit.

Walang nasawi sa insidente, ngunit walo ang sugatan.

Sinabi ni Ginez na irerekomenda niyang bawiin ang lisensya ng sugatang driver ng bus.

Dagdag niya na makakatanggap ng P150,000 ang pamilya ng mga nasawing biktima, habang P90,000 ang makukuha ng higit 20 sugatan pang pasahero ng bus.

Nakabilang sa listahan ng LTFRB ng mga "deadliest bus" ang Don Mariano para sa taong 2010-2011.

Inilagay ang Don Mariano sa listahan ng "most damage to property."

Show comments