MANILA, Philippines – Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nasawi sa hagupit ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas dahil sa patuloy na search and retrieval operations, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Lunes.
Sinabi ng NDRRMC sa pinakabagong situational report na umabot na sa 6,069 na katao ang kumpirmadong patay matapos tumama ang bagyo noong Nobyembre 8.
Pinangangambahang aabot sa walong libong katao ang patay dahil 1,779 pa ang nawawala.
Higit 3.4 milyong pamilya o 16 milyong katao naman ang naapektuhan ni Yolanda mula sa 44 probinsya, 591 bayan at 57 lungsod sa Region 4-A, 4-B, 5, 6, 7, ,8, 10, 11 at Caraga.
Mula sa naturang bilang ay nasa 890,000 pamilya o apat na milyong katao ang nasalanta, kung saan 101,000 katao ang nananalagi sa 381 evacuation centers, ayon pa sa state disaster response agency.
Aabot sa P35.5 bilyon ang halaga ng pinsala, P18.2 bilyon dito ay sa impastraktura at P17.3 bilyon sa agrikultura.