MANILA, Philippines – Labing-walong katao ang nasawi, habang 16 ang nasaktan matapos tumilapon ang pampasaherong bus mula sa elevated expressway sa Paranaque City ngayong Lunes.
Nilinaw ng Philippine National Police's Highway Patrol Group (HPG) na 18 lamang ang patay taliwas sa mga naunang balitang 22 ang nasawi nang mahulog ang bus ng Don Mariano Transit mula sa Skway at bumagsak sa isang closed van.
Kinilala ang mga biktima na sina Roydel Tolentino, William Toledo, Roberto Bautista, Mary Ann Soperio, Ramon Labang Jr., Joey Esponilla, Arnold Jimenos, Roger Orquejo, Rolly Borres at Gene Angelique Cadiz.
Binabaybay ng Don Mariano bus na may plakang (UVC-916) at biyaheng Novaliches-Pacita ang kahabaan ng Skyway nang bumagsak ito bandang 5:30 ng umaga sa service road na sakop ng Barangay Marcelo Green.
Nabagsakan ng bus ang closed van na may plakang (ULX-874) na nasa northbound ng Liway West Service Road.
Kaugnay na balita: Nahulog na bus sa Skyway, ilang beses nang nasangkot sa aksidente
"Based on the account of witnesses, the bus was speeding when it apparently lost control, swerved and hit the wall of the Skyway, flipped-up and crashed on the van," banggit ni HPG investigator Isidra Dumlao.
Sinabi pa ni Dumlao na basa ang kalsada ng skyway dahil sa pag-ulan nang mangyari ang insidente.
Sinuspinde na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang prangkisa ng 78 bus ng Don Mariano Transit habang gumugulong ang imbestigasyon.
Noong 2011 ay isang bus naman ng Dimple Star na patungong Alabang ang nahulog din sa Skyway, kung saan tatlong katao ang nasawi.