Curfew sa Tacloban at Guiuan pinapairal pa rin

MANILA, Philippines – Ipinapatupad pa rin ang curfew sa Tacloban City sa Leyte at Guiuan sa Samar, higit isang buwan matapos ang pananalasa ng bagyong “Yolanda.”

Sinabi ni Chief Superintendent Henry Losañes, Eastern Visayas regional police director, na patuloy ang pagpapatupad ng 10 p.m. hanggang 6 a.m. na curfew sa dalawang lugar.

Dagdag ni Losañes na hindi pa sila nakakakuha ng kautusan sa nakatataas kung kalian tatanggalin ang umiiral na curfew.

Si Losañes ang pumalit kay Chief Superintendent Elmer Soria, na unang nagsabing pinangangambahang aabot sa 10,000 katao ang patay sa bagyo.  Sa ngayon ay sumasailalim umano si Soria sa stress debriefing.

Ipinatupad ang curfew upang mapanatili ang kaayusan sa mga binagyong lugar matapos magkaroon ng “looting” sa mga tindahan dahil sa walang makain ang mga biktima ng bagyo.

Sinabi ni Losañes na higit 1,000 kapulisa, kabilang ang mga miyembro ng Special Action Force ang nakatalaga sa mga dalawang lugar upang masiguro ang kapayapaan.

Show comments