Lungsod ng Maynila magbibigay ng P16M sa 'Yolanda' victims

MANILA, Philippines – Magbibigay ng P16 milyon ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga biktima ng bagyong “Yolanda” partikular sa Tacloban City at dalawa pang bayan.

Naghain ng resolusyon ang Manila City Council upang makapagbigay tulong ang lungsod sa Tacloban City, at bayan ng Javier sa Leyte, gayun din sa bayan ng Guiuan sa Eastern Samar.

Sinabi ni Vice Mayor Isko Moreno na P10 milyon ang mapupunta sa Tacloban kung saan malaking bilang ng mga residente ang nasawi.

Dagdag ng bise-alkalde na nakalaan ang P5 milyon sa Javier at P1 milyon sa Guiuan.

Sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council umabot na sa 5,786 katao ang kumpirmadong patay, habang 1,779 pa ang nawawala.

Kaugnay na balita:  'Yolanda' death toll: 5,786 na, 1,779 nawawala

Umabot  sa 26,233 katao ang nasaktan ng pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon, dagdag ng NDRRMC.

Bukod sa Maynila, maraming lokal na pamahalaan na rin sa Pilipinas ang nagpaabot ng tulong sa mga sinalanta ng pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong 2013.

 

Show comments