MANILA, Philippines – Umakyat na sa 5,759 na katao ang nasawi sa hagupit ng bagyong “Yolanda†sa Visayas, ayon sa state disaster response agency.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong Huwebes na patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga bangkay dahil sa walang tigil na search and retrieval operations.
Dagdag ng NDRRMC na 1,779 pang katao ang pinaghahahanap mula nang bayuhin ni Yolanda ang kabisayaan partikular sa probinsya ng Samar at Leyte noong Nobyembre 8.
Umabot naman sa 26,233 ang bilang ng mga nasaktan sa pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon.
Samantala, higit apat na milyong katao ang nasalanta mula sa 44 probinsya sa 589 bayan at 57 lungsod sa region 4-A-, 4-B, 5, ,6 , 7, 8, 10, 11, at Caraga.
Nananatili pa sa 410 evacuation centers ang nasa 97,000 katao matapos wasakin ni Yolanda ang higit isang milyong kabahayan.
Pumalo naman sa P35.2 bilyon ang halaga ng pinsala, P18.2 bilyon dito ay sa impastraktura at P17 bilyon sa agrikultura.