MANILA, Philippines - Hindi pa maglalabas ng travel ban sa Hong Kong ang Department of Health kasunod ng balitang mayroon nang kumpirmadong kaso ng H7N9 bird flu strain sa naturang bansa.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Health Assistant Secretary Eric Tayag na maging ang World Health Organization ay hindi pa naglalabas ng anumang rekomendasyon hinggil sa pagkakadiskubre ng bagong strain ng bird flu sa Hong Kong.
#WHO and #DOH do not recommend travel ban to #HK or #China despite #birdfluH7N9 in HK for the first time
— Doc Eric Tayag (@erictayagSays) December 3, 2013
#Hongkong reported first case of deadly #birdfluH7N9 Exposure traced to live poultry farm No known sustained human to human transmission
— Doc Eric Tayag (@erictayagSays) December 3, 2013
Kinumpirma ni Chinese Health Secretary Ko Wing-man na isang 36-anyos na Indonesian ang nasa kritikal na kondisyon matapos dapuan ng bagong bird flu strain.
Ayon kay Ko, may mga nakalap silang impormasyon na ang naturang pasyente na nagtatrabaho bilang kasambahay sa Hong Kong ay malimit nagbiyahe patungong Shenzhen City upang bumili, magkatay at kumain ng manok.
Nauna nang naiulat na nagsimulang kumalat ang H7N9 nitong buwan ng Abril at hinihinalang dahilan ng pagkatamay ng may 45 tao sa China at Taiwan.
Sinabi ni Tayag na base pinakahuling talaan, may 141 kaso at 47 dito ay namatay dahil sa naturang sakit.
Aniya, matinding kasong ng pulmonya at multi-organ failure ang kalimitang sanhi ng pagkamatay ng mga taong dinapuan ng H7N9 strain.
Tiniyak ni Tayag na hindi pa napapasok ng naturang sakit ang Pilipinas.
Binanggit din niya na nananatiling epektibo ang poultry ban na ipinapatupad ng Pilipinas sa mga poultry imports galing China upang maiwasang kumalat sa bansa ang bird flu.