Pacquiao nangutang para makatulong sa 'Yolanda' victims
MANILA, Philippines – Kahit kilalang milyonaryo ang Filipino boxing icon na si Manny Pacquiao kinailangan pa rin niyang mangutang upang makapagbigay ng tulong sa mga biktima ng bagyong “Yolanda†sa Visayas partikular sa probinsya ng Samar at Leyte.
Napilitang manghiram ng pera ang eight-division world boxing champion matapos patawan ng freeze order ang kanyang mga bank accounts ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Inireklamo ng BIR si Pacquiao ng pandaraya sa pagbabayad ng buwis matapos lumabas sa imbestigasyon ng kawanihan na hindi idineklara ng tama ng boksingero ang binayarang income tax returns na kinolekta ng US Internal Revenue Service noong 2008 at 2009.
"Harassment talaga yung ginawa nila. Ang pakiusap ko lang sa kanila ay alisin nila yung garnish move para makasweldo naman ako sa mga tao ko," pahayag ni Pacquiao.
"Hindi naman ako kriminal o magnanakaw na tao para magtago," dagdag ng kongresista. "Ang binayaran kong tax sa America, kung nagkulang ako, e 'di hinabol na ako ng America."
Kahit naipit ay handa pa rin tuparin ni Pacquiao ang kanyang pangako sa mga biktima ng bagyo.
"Wala po kaming access sa lahat ng mga accounts, pati sa asawa ko. Ang ginawa ko para makatulong ako, nangutang ako para makapadala ako ng tulong para sa mga kababayan natin sa Tacloban," kuwento niya.
- Latest
- Trending