MANILA, Philippines – Hindi itinuturing ng Palasyo ang Pilipinas bilang delikadong lugar para sa mga mamamahayag, kung hindi isasama ang Maguindanao massacre, ayon sa isang kalihim ngayong Biyernes.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma na hindi gaanong kalala ang problema sa pagpaslang sa mga mamamahayag taliwas sa sinabi ng Committee to Protect Journalists' Impunity Index.
"'Yung kanilang batayan ay parang index of journalism or media-related crimes kasama 'yung Maguindanao [massacre] na napakarami talagang napaslang doon," sabi ni Coloma.
Kaugnay na balita: hNaiwang pamilya ng Maguindanao masaker victims nagsisisi kay PNoy
"Kung ihihiwalay naman yung Maguindanao figures, hindi naman talaga tayo 'yung lalabas na [most dangerous place for journalists]. Hindi naman ganun kaseryoso o kalala 'yung problemang 'yun," dagdag niya.
Iginiit ni Coloma na isa ang Pilipinas sa may maluwag na kalayaan sa pamamahayag.
Pinabulaanan naman niya ang mga ulat na mas maraming namatay na mamamahayag sa termino ni Aquino kumpara sa ibang administrasyon.
Aniya hindi naman napatunayan na talagang mga mamamahayag ang ilang sinasabing pinaslang.
Pero sa kabila nito ay sinabi ni Coloma na ginagawa naman ng gobyerno ang kanilang makakaya upang masugpo ang kahit ano pa mang krimen.
Kaugnay na balita: Palasyo: Justice system dapat sisihin sa mabagal na Maguindanao massacre case
"Whether media killing or not, krimen po 'yung killing. At tungkulin ng estado na pangalagaan ang buhay," sabi ni Coloma.
"Bawat buhay ng Pilipino ay mahalaga so that in the final analysis... dapat lutasin ang pagpaslang ng mga mamamayan.â€
Apat na taon na ang nakalipas nang paslangin ang 53 katao kabilang ang 32 mamamahayag sa Maguindanao.
Hanggang ngayon ay sumisigaw ng hustisya ang mga naiwang kamag-anak ng mga biktima.