MANILA, Philippines - Pumalo na sa 4,015 ang kumpirmadong patay sa hagupit ng bagyong "Yolanda" sa Eastern Visayas, ayon sa state disaster response agency ngayong Biyernes.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na patuloy ang kanilang paghahanap sa mga nawawala pang residente ng mga lugar na hinagupit ni Yolanda.
Nasa 1,602 pa ang nawawala, habang 18, 567 ang sugatan sa pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong 2013.
Sinabi pa ng NDRRMC na higit 10 milyong katao ang naapektuhan ng bagyo mula sa Regions 4-A-, 4-B, 5, 6,7 , 8, 10, 11 at Caraga, habang 380,000 dito ay nananalaginpa sa 1,529 na evacuation centers.
Bumagal ang pagbibigay ng impormasyon ng NDRRMC sa epekto ni Yolanda lalo na sa mga bilang ng mga nasawi dahil anila ay nais nilang maging sigurado sa eksaktong numero ng mga biktima.
Naunang sinabi ng isang opisyal ng Philippine National Police pagkatapos makita ang pinsala ng bagyo na aabot sa 10,000 katao ang pinangangambahang nasawi.
Pinabulaanan naman ito ni Pangulong Benigno Aquino III at sinabing nasa 2,000 hanggang 2,500 lamang ang kanyang tantsa, ngunit sa ngayon ay lagpas na rin ito sa kumpirmadong bilang.
Dahil dito ay nagpalabas ng gag order ang NDRRMC upang pigilang magbigay ng hindi kumpirmadong bilang ang ibang ahensya ng gobyerno.