Higit 4,000 patay kay 'Yolanda' - UN
MANILA, Philippines – Pumalo na sa mahigit 4,000 katao ang bilang ng mga nasawi dahil sa hagupit ng bagyong "Yolanda," base sa pagtatala ng United Nations.
Sinabi ng UN Office of the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA) sa kanilang situation report No. 8 ngayong Biyernes ay 4,460 ang bilang ng mga nasawi, habang 921,200 ang nasalanta ng pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon.
Dagdag nila na aabot naman sa 11.8 milyong katao ang naapektuhan ng bagyo, habang 243,000 bahay ang nawasak ng bagyo.
Sinabi pa ng UN-OCHA na tatlong relief stations o logistic hubs ang kanilang binuksan sa mga nasalantang lugar sa probinsya ng Samar at Leyte.
Pero sa huling pagtatala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ay 2,360 pa lamang ang bilang ng mga nasawi, habang 3,853 ang sugatan, at 77 ang nawawala.
Sinabi ng NDRRMC na 55 lungsod at 536 bayan sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Eastern Visayas, Central Visayas, Western Visayas, Northern Mindanao, Davao at Caraga ang naapektuhan ni Yolanda.
Samantala, sinibak na kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima ang heneral na nagsabing posibleng umabot sa 10,000 ang masawi sa delubyo ng super bagyong Yolanda sa Eastern Visayas Region na grabeng nagtamo ng pinsala.
Kaugnay na balita: Heneral na nagsabing 10,000 ang patay sa ‘Yolanda’ sinibak ni Purisima
Si Police Regional Office (PRO) 8 Director Chief Supt. Elmer Soria ay ipinahanap mismo ni Pangulong Aquino ng mabatid na ito ang pinanggalingan ng report na pinagdudahan ng Punong Ehekutibo at sinabing sa pagtaya ay aabot lamang sa 2,500 ang posibleng nasawi sa trahedya.
Nang matanong naman si PNP Public Information Office P/Chief Supt. Reuben Sindac, sinabi nito na ‘battle fatigue’ na si Soria kaya kailangan muna nitong magpahinga.
- Latest
- Trending