Prangkisa ng 2 bus sa EDSA-Magallanes mishap suspendido

MANILA, Philippines – Suspendido ang prankisa ng dalawang bus liner kasunod nang aksidente sa EDSA-Magallanes sa Makati City na ikinasawi ng anim na tao nitong Huwebes ng umaga.

Isang buwan o 30 araw na suspension ang parusa sa Elena Liner at MGP Trans habang gumugulong ang imbestigasyon ng  Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Hindi makakabiyahe ang 21 bus ng Elena Liner at 15 ng MGP at kinakailangang ibalik sa LTFRB ang mga plaka nito.

Lima ang kaagad nasawi matapos araruhin ng Elena Liner ang mga biktima bago bumanga sa MGP na nagpupuno ng pasahero sa southbound lane ng EDSA-Magallanes na parte ng Makati City.

Kaugnay na balita: 5 patay matapos araruhin ng bus sa EDSA

Nasawi ang pang-anim na biktima habang ginagamot sa ospital, habang nasa 29 katao ang sugatan.

Sinabi kahapon ni Makati police chief Senior Superintendent Manuel Lukban na apat na lalaki at isang babae ang nasawi.

Nagdulot ng pagbigat sa daloy ng trapiko ang insidente partikular sa southbound ng EDSA.

Show comments