MANILA, Philippines - Limang katao ang patay, habang 30 ang sugatan matapos araruhin ng pampasaherong bus sa EDSA na sakop ng Makati City ngayong Huwebes.
Ayon sa ulat, nag-aantay lamang ang mga biktima ng masasakyang bus sa Magallanes loading bay nang mangyari ang insidente.
Lumabas sa pangunang imbestigasyon na nawalan ng preno ang bus ng Elena Liner saka bumangga sa isa pang bus bago tamaan ang mga biktima.
Sinabi ni Makati police chief Senior Superintendent Manuel Lukban na apat na lalaki at isang babae ang nasawi.
Kaagad namang isinugod sa ospital ang mga sugatang biktima kabilang ang tsuper ng Elena Liner.
Nagdulot ng pagbigat sa daloy ng trapiko ang insidente partikular sa southbound ng EDSA.