MANILA, Philippines – Tinutugis na ng mga awtoridad ang isang armadong grupo namataan sa downtown ng Tacloban City na umano'y pasimuno ng looting sa naturang siyudad.
Ayon sa isang ulat sa radyo, nagkagulo ang mga nakaligtas na residente ng lungsod mula sa pagbayo ng bagyong “Yolanda†nang magdatingan ang puwersa ng pulis upang hanapin ang mga umano’y miyembro ng New People’s Army.
Hindi pa naman ito nakukumpirma ng mga awtoridad at wala pa namang nagririnig na putok ng mga armas mula sa mga umano’y rebelde.
Dahil dito ay lalong naghigpit ng seguridad ang militar upang maiwasang makapanggulo ang mga sinasabing armadong kalalakihan.
Kaugnay na balita: 8 patay matapos ang 'looting' sa Leyte
Nagtayo ng checkpoint ang mga military patungo sa Barangay Abucay kung saan umano nakita ang mga rebelde.
Una nang napabalita na isang grupo ang nasa likod ng panunugod ng mga residente sa mga establisyamento upang makakuha ng mga makakain.
Nitong Lunes ay nagdeklara si Pangulong Benigno Aquino III ng State of National Calamity, kung saan ipinapatupad ang curfew mula alas-10 ng gabi at ala-6 ng umaga.