8 patay matapos ang 'looting' sa Leyte
MANILA, Philippines – Walong katao ang namatay matapos sugurin ng mga nakaligtas na mga residente ng Leyte ang isang government warehouse upang kumuha ng makakain, ayon sa isang opisyal ng gobyerno.
Sinabi ng tagapagsalita ng National Food Authority na si Rex Estoperez bumigay ang pader ng NFA matapos dumugin ng mga tao ang naturang warehouse sa Alangalang, Leyte kahapon.
Nadaganan ng pader ang mga nasawing biktima, dagdag ni Estoperez.
Aniya wala nang nagawa ang mga sundalo at pulis sa dami ng mga taong nagkagulo upang makakuha ng bigas.
Higit 100,000 sako ng bigas ang natangay ng mga nagkukumahog na residente upang makakain.
Kasalukuyang nagpapatupad ng curfew sa Tacloban City mula alas-10 ng gabi hanggang ala-6 ng umaga upang mapanatili ang kaayusan sa lungsod.
Sinabi ng military na bukod sa mga checkpoint ay may armored personnel carriers ang umiikot sa lungsod upang mapaigting ang seguridad.
- Latest
- Trending